DISMAYADO si Senador Grace Poe sa rampa ng Edsa busway PhilAm station sa Quezon City na inilaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga persons with disability (PWDs).
Nag-trending sa social media ang sinasabing rampa para sa PWDs dahil sa matarik ito at delikadong gamitin.
“Sa halip na makatulong sa ating mga PWD na sumasakay sa bus, magiging buwis-buhay pa ang paggamit ng ramp na ito ng MMDA sa Edsa busway,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Nanawagan si Poe sa MMDA na madaliin ang pagsasaayos nito bago pa ito maging sanhi ng aksidente.
“The ramp must be immediately fixed before an accident occurs. It’s exasperating to see millions in taxpayers’ money spent on projects like this that endanger safety and life,” dagdag pa ng senador.
Giit pa nito na hindi dapat nag-aaksaya ng pera ang mga ahensiya ng pamahalaan dahil pera ito ng publiko.
Samantala, nagpahayag naman ang MMDA hinggil sa nasabing kontrobersyal na rampa.
Inamin nito na hindi perpekto ang pagkakagawa rito dahil sa merong “height restriction” ang MRT na sinunod ang ahensiya.
“Nais namin ipabatid na mayroong height restriction ang MRT na sinunod ng MMDA kaya hindi naging posible na ipantay ang elevator sa footbridge,” ayon sa isang pahayag na ipinost sa social media.
Gayunman, makakatulong pa rin anya ito para sa mga senior citizen.
“Hindi ito perpektong disenyo lalo na sa mga naka wheelchair pero malaking tulong pa rin ito para sa mga senior citizens, buntis at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan,” dagdag nito.
“Inilagay ang rampa dahil sa limitadong espasyo at kung wala ito ay hindi maiilagay ang elevator sa istruktura para sa convenience ng mga commuters na sumasakay sa busway station,” ayon pa sa MMDA.