BINATIKOS ni Senador Grace Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagsusulong ng phaseout ng mga jeepney kahit hilaw pa ang programa kaunay ng modernisasyon ng pampublikong sasakyan.
“Bakit pinipilit ang vehicle replacement kung hilaw pa ang ibang parte ng programa? Nasaan ang komprehensibong plano para sa route rationalization? LTFRB nagbibigay kayo ng mga deadline sa mga driver para mag-modernize ng kanilang jeep pero ‘yung route rationalization ninyo hindi pa tapos. Para bang sinabi nyo sa kanila ‘bumili na kayo ng ref, kama TV para sa bahay’ pero wala naman silang lupang paglalagyan ng bahay na ‘yon,” sabi ni Poe.
Kasabay nito, isinusulong ni Poe ang pagpasa ng “Just and Humane Public Utility Vehicles Modernization” bill kung saan magbibigay ng 20 porsiyentong subsidiya ang pamahalaan at babayaran ang loan ng mga jeepney driver ng 15 taon.
“You don’t need rocket science to know that a jeepney driver who earns roughly about P750 a day cannot afford a vehicle worth P2.3 million. Kulang na kulang ang P160,000 na subsidy ng gobyerno,” dagdag ni Poe. Nagsagawa ng pagdinig ang Senado sa harap ng nakatakdang isang linggong welga ng mga transport group.