PNP di lalayas sa KOJC compound hanggang di nakikita si Quiboloy

WALANG balak lisanin ng Philippine National Police ang compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City hanggang hindi naaresto si Pastor Apollo Quiboloy.

Ito ang naging pahayag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang panayam sa radyo Martes ng umaga.

“Hindi kakayanin ng isa o dalawang araw itong ating paghahanap, at naninindigan pa rin ang PNP na we are continuously following the legal protocols,” ayon kay Fajardo.

May 2,000 tauhan ng PNP ang lumusob sa KOJC simula noong Sabado para halughugin ang 30-hektaryang KOJC compound kung saan pinaniniwalaan nagtatago si Quiboloy.

Naniniwala si Fajardo na matutunton na rin nila ang sinasabing bunker na siyang pinaglulunggaan ng wanted na pastor.

Nahaharap si Quiboloy at limang miyembro ng KOJC ng child abuse cases at human trafficking.