TINIYAK ni Department of Health Officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan na nila ang standardization ng sweldo ng mga nurse, doktor at healthcare workers upang mapanatili sila sa loob ng bansa at di naghanap ng trabaho sa abroad.
Ginawa ni Vergeire ang pagtiyak matapos magbigay ng direktiba si Pangulong Bongbong Marcos na solusyunan ang problema ng pag-alis sa Pilipinas ng mga nurse na siya namang nagdudulot ng pagbagal ng pagbibigay serbisyo sa bansa.
Ayon kay Vergeire, patuloy ang kanilang pag-aaral sa isinusulong na panukalang Magna Carta for Public Health Care Workers and Philippine Nursing Act, na naglalayong bigyan ng mas maayos at mataas na benepisyo at magsusulong ng kanilang kapakanan sa hanay ng mga medical professionals.
“We have to be clever about the healthcare manpower. Our nurses are the best, buong mundo na ang kalaban natin dito,” sabi ni Marcos sa isinagawang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group sa Malacanang nitong Miyerkules.
“Lahat ng nakakausap kong President, Prime Minister, ang hinihingi more nurses from the Philippines,” dagdag pa niya.