PINAYUHAN ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko na umiwas muna na magtungo sa Mt. Pinatubo matapos itong makapagtala ng mahinang pagsabog sa palibot ng bulkan.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum na bagamat hindi naman nakikita ang malakihang pagsabog ng bulkan, patuloy ang pagmomonitor ng ahensiya sa aktibidad ng Mt. Pinatubo.
“Batay po sa record ng ating earthquake at tinatawag na infrasound, ito po ay special microphone na pandetect ng tunog na manggagaling sa kapaligiran, ang ating pong nakita ay isa pong pagsabog na na-naconfirm naman po natin na may larawan po kasi ng satellite image,” sabi ni Solidum.
Naganap ang mahinang pagsabog pasado alas-12 ng tanghali Linggo ng hapon.
“Maputi po kasi yung usok na lumabas at walang masyadong abo, kaya ang ating tingin diyan base sa mga record at observation ay galing po ito sa crater na mababaw lamang at ang sanhi ng pagsabog essentially yung usok o steam ay may pressure kaya nagkaroon ng paglabas ng usok, may konti sigurong mga abo, pero wala tayong nakitang report sa western side ng Zambales na pagbagsak ng abo,” dagdag ni Solidum.
Ayon pa kay Solidum, ang nangyaring pagsabog ay kakaiba sa magmatic eruption tulad noong 1991 eruption.
“Yun pong steam-driven ay delikado sa mga pumupunta sa bulkan o mismong tuktok ng bulkan, so kung wala namang talagang importanteng gagawin, kagaya ng ginagawa ng Phivolcs, e dapat wag na munang pumunta sa kasalukuyan kasi delikado baka maulit muli ang hydrothermal explosion,” aniya.