IGINIIT ni Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Melquiades “Mel” Robles na sinadya nilang i-edit ang mukha at damit ng nanalo ng P43,882,361 jackpot prize sa Lotto 6/42 upang itago ang pagkakakilanlan nito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means ngayong araw ng Huwebes, tiniyak ni Robles na totoong tao ang nagwagi at pinoprotektahan lamang ito ng tanggapan.
“Part po ‘yan ng pag-conceal [ng pagkakakilanlan ng nanalo]. Minsan naa-identify po ‘yung damit. For example, kung at that day ‘yung mga kapitbahay po naga-ano e, ‘Uy ‘yun suot niya e.’ And I agree, it’s very poor editing. But the objective is to conceal the clothing na [hindi] ma-identify sa kanya,” ani Robles sa tanong ni Sen. Raffy Tulfo kung totoo bang binago ang itsura at damit ng Bulakenya na nanalo sa Disyembre 2023 draw.
Pinakalma rin ng opisyal si Tulfo at ang mga netizens na nagdududa kung lehitimo ba na may mga nananalo sa draw.
“We have to protect the identity of the winner. Meron pong nagreklamo sa amin one time, we covered the face pero ‘yung damit naman daw po ay nakilala,” paliwanag ni Robles.
“Merong nagreklamo sa amin, favorite clothes daw kasi kaya na-identify siya. If there’s something that we have to apologize, it’s the poor editing. But I think it has served its purpose of concealing the identity. We’re not very good at editing the clothes, dagdag niya.
Bukas naman si Robles sa nais ni Tulfo na executive session upang malaman at masuri ang pangalan ng nasabing Lotto 6/42 winner at maging ang Grand Lotto 6/55 winner na tumama ng P698.8 milyon nitong Miyerkules.
Ani Robles, ibibigay niya ang pangalan ng mga lotto winners kung ipasa-subpoena ito ng Senado.