Panic-buying bawal sa QC

INIHAYAG ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na limitado lamang ang pwedeng bilhin na basic goods sa Quezon City kapag ipinairal na ang enhanced community quarantine simula sa Biyernes hanggang Agosto 20.


Ayon kay Belmonte, inaprubahan ng konseho ng siyudad ang ordinansa na magbibigay ng proteksyon sa mga mamimili sa panahon ng lockdown.


Base sa ordinansa, papayagan lamang makabili ang isang tao ng hanggang limang lata ng sardinas at hanggang 10 sa meat loaf at corned beef.


“We have to impose limits to avoid panic buying and hoarding that may lead to supply problems and could prevent other citizens from purchasing the needs of their families during the ECQ,” ani Belmonte sa kalatas.


Dagdag ng alkalde: “Mas mabuti na ngayon pa lang ay nakalatag na ang polisiyang ito upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na makabili ng kanilang pangangailangan.”


Klinaro naman ni Belmonte na may sapat na suplay ng pagkain sa mga groceries at palengke kaya walang dahilan para nag-panic buying.