NABUWAG ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sindikato na nagbebenta ng matataas na posisyon sa gobyerno makaraang maaresto ng pitong umano’y miyembro nito.
Ani NBI Director Jaime Santiago, ginagamit ng sindikato ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa operasyon nito.
Naniningíl ang sindikato ng P500,000 hanggang P1 milyon depende sa posisyon na inaalok nito, dagdag ni Santiago.
Isa sa mga naaresto si John Vicente Cruz, na nagpapakilalang Atty. JV Cruz na assistant secretary raw sa Presidential Management Staff (PMS) sa Malacañang.
Pakilala ni Cruz sa sarili ay tagahanap ng mga indibidwal na interesadong pumalit sa posisyon ng mga natitirang opisyal ng dating administrasyon.
Ikinasa ng NBI ang entrapment operation sa isang hotel sa Quezon City matapos kumpirmahín ng PMS at ng Office of the President na wala silang opisyal na Atty. JV Cruz. Dinakip ang mga suspek makaraang abutin ni Cruz ang P100,000 boodle money mula sa mga ahente ng NBI na nagpakilalang aplikante sa mga posisyon.