“LAGI tayong tumulong sa kapwa.”
Ito ang winika ni Angelica Yulo, ina ni two-time Olympic medalist Carlos Yulo, makaraan mamahagi ng pagkain sa mga kapitbahay bilang pasasalamat sa tinamong tagumpay ng anak na si Elaiza sa Palarong Pambansa noong Hulyo.
Shinare ni Angelica sa Facebook ang video ng pamamahagi ng pagkain ni Elaiza, na nakakuha ng limang gintong medalya sa Palarong Pambansa, at iba pang mga anak na sina Eldrew at Joriel.
“Salamat po sa araw na ito, sa mga tumulong na magluto at mag-asikaso ngayon, sa mga anak ko na nagbahagi ng kahit papaanong parte ng incentives nila,” ayon sa ginang.
“Kay Iza na binawasan ang nakuha niya sa Palarong Pambansa. Salamat din kay Eldrew at aa panganay ko na si Joriel sa pinaabot niyang tulong para kahit papaano ay makatulong tayo sa simpleng paraan,” dagdag niya.
Si Eldrew ay isa ring award-winning gymnast habang miyembro ng National University Pep Squad si Joriel.
“Lagi tayong tumulong sa kapwa. Kapag may sobra tayo, maliit man o malaki, ang mahalaga ay magbigay tayo nang bukal sa puso,” sambit pa ng ginang.