SUPORTADO ng Malacanang ang desisyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpatupad ng deployment ban ng mga overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel sa harap ng gera sa pagitan ng naturang bansa at Palastine.
Sa kanyang briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na nararapat lamang na itigil muna ang pagpapadala ng mga OFWs sa naturang bansa sa Gitnang Silangan para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy.
“Suportado po ng Malacanang ang naging desisyon ni Secretary Bello na panandalian munang itigil ang pagpapadala ng OFWs sa Israel dahil sa timitinding labanan doon,” sabi ni Roque.
Aabot sa 30,000 OFWs ang nasa Israel kung saan 98 porsyento nito ay mga caregiver.
“Ito naman ay para mapangalagaan ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Siyempre habang naghahanda tayong ng repatriation ng ating mga kababayan doon, bakit tayo magpapadala ng bagong OFWs?” dagdag ni Roque. –WC