SINUSPINDE ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng bagong toll guidelines para sa mga motorista na dadaan sa mga expressway,
Hindi muna ipatutupad ang sana’y nakatakdang implementasyon sa Agosto 31 ng bagong guidelines, kabilang ang pagpapataw ng parusa sa mga walang radio frequency identification (RFID) at may insufficient load balance, at inilipat ito sa Oktubre 1.
Ito ay upang bigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga motorista para makapag-adjust at para mas mapalawig pa ang impormasyon hinggil sa ipatutupad na bagong guidelines, ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
“We hope the concerned agencies and tollway operators would use the 30-day deferment to fine-tune expressway operations and further intensify the public information campaign to enable tollway users to comply with the new guidelines,” ayon kay Bautista.
Ang revised regulations ay nakapaloob sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2024-01, na pirmado ni Bautista, Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Vigor Mendoza II, at Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo noong Agosto 1.
Sa memorandum, may penalty sa mga dadaan ng expressway na walang RFID o kaya may RFID ngunit kulang naman ang load nito.
Multang P5,000 ang ibibigay sa mga motorista na dadaan sa expressway na walang RFID habang P500 hanggang P2,500 naman ang multa sa mga may insufficient load balance.