KINUMPIRMA ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pumalo nga sa P51 bilyon ang nailaan na pondo sa distrito ni Davao City Rep. Paulo Duterte sa huling tatlong taon na panunungkulan ng ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, ito ang lumabas sa datos ng ahensya.
“Base sa report ng aming Programming Division, we confirm na ‘yun pong mga amounts na nabanggit ninyo noong 2020, 2021, 2022, base po sa National Expenditure Program (NEP) ng DPWH at ‘yun pong General Appropriations Act (GAA) sa distritong ito, ay tama po and we confirm those budget,” pahayag ni Cabral.
Ayon sa ulat, naglaan ang Malacañang ng P4.6 bilyong halaga ng infrastructure project sa distrito ni Pulong para sa taong 2020 subalit lumobo ito sa P13.745 bilyon.
Sa sumunod na taon, naglaan dito ng P9.67 bilyon na budget pero itinaas ito sa P25 bilyon.
Noong 2022, naglaan ng Palasyo ng P10 bilyon sa unang distrito ng Davao City pero batay sa inaprubahang budget ni Pangulong Duterte ay umakyat ito sa P13.04 bilyon.
Bago ito nagreklamo ang mambabatas sa pagtapyas ng budget para sa kanyang distrito.
“I also would like to inform all Dabawenyos, most especially in my district, that the House leadership has taken out P2 billion from your NEP budget for the district and left only a measly P500 million for Dabawenyos this year,” aniya.