MAY dagdag na P500 sahod na makukuha ang mga domestic workers o mga kasambahay na nagtatrabaho sa Metro Manila sa darating na taon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Epektibo sa Enero 3 ang umento ayon sa DOLE matapos maglabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) of the National Capital Region ng order nitong Disyembre 12.
Dahil dito, aakyat sa P6,500 mula sa dating P6,000 ang sweldo ng mga kasambahay sa Metro Manila.
Hindi lang sa Metro Manila may umento sa sahod ang mga kasambahay dahil makakatanggap din ng P1,000 wage increase ang mga domestic workers sa Caraga region na epektibo naman simula Enero 1, 2024.
Samantala, may umentong P20 ang arawang sweldo ng mga manggagawa sa Caraga. Kaya magiging P370 mula sa kasalukuyang P350 ang daily wage dito na epektibo rin sa Enero 1.
Bukod dito, dagdag P15 na umento rin ang ipatutupad pagtungtong ng Mayo, o P385 kada araw.
Aabot sa 65,681 manggagawa sa Caraga ang makikinabang sa nasabing taas-sweldo.