ISANG araw matapos ang Pasko, binati ang mga motorista ng mga oil companies ng dagdag presyo sa produktong petrolyo.
Nagtaas ng P1.60 kada litro sa presyo ng gasolina habang P1.70 naman sa diesel at P1.54 sa kerosene ang mga malalaking kompanya ng langis na Chevron Philippines Inc. (Caltex), Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp.
Nag-anunsyo rin ng dagdag presyo sa parehong halaga ang mga independent oil players na Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Phjilippines Inc., at Unioil Petroleum Philippines Inc.
Ipinatupad ang dagdag presyo alas-6 ng umaga ngayong Martes, Disyembre 26, 2023, maliban sa Cleanfuel at Caltex na magpapatupad ng price adjustment alas-4 ng hapon at alas-12 ng hatingabi.
Nauna nang nagpahayag ang Department of Energy nang posibleng pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa pag-iwas ng mga oil companies at tankers na dumaan sa Red Sea dahil sa mga insidente ng pag-atake ng mga rebelde sa karagatan.
Sa tala, umabot na sa P11 kada litro ang naitaas sa presyo ng gasolina mula noong Enero habang P3.95 naman kada litro sa diesel at 31 sentimo sa kerosene.