NASAWI ang isang Filipino domestic worker sa Hong Kong matapos itong mahulog mula sa ika-18 palapag ng isang gusali, ayon sa Konsulada ng Pilipinas.
Ayon sa mga report, nasawi ang 38-anyos na overseas Filipino worker matapos mahulog sa ika-18 palapag habang naglilinis ng bintana.
Sinabi ni Philippine consul general Raly Tejada na iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente. Una nang ipinagbawal sa Hong Kong na utusan ng mga employers ang kanilang mga kasambahay na paglinisin ang mga ito ng bintana na walang maayos na safety precaution.
“Ang pangyayaring ito ay isang napakabigat na trahedya at talaga namang deplorable na pangyayari sapagkat maging ang Hong Kong government noong 2017 ay ipinagbawal na ang paglilinis ng bintana kapagkat alam nila na ito’y hindi lamang unsafe ngunit ito’y higit sa lahat dangerous,” ani Tejada.
“Ang konsulado naman ngayon ay nakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Hong Kong upang ito ay magawan ng lunas at maimbestigahan at ito po ay ating minomonitor nang maigi ang imbestigasyon na ginagawa ng kapulisan nang sa gayon ay mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng ating kababayan,” dagdag pa nito.
Naipaalam na sa pamilya ng OFW ang nangyari rito.