NLRC inutusan pahayagang Daily Tribune na bayaran 13th month pay ng reporter

INATASAN ng National Labor Relations Commission ang publisher ng Daily Tribune na bayaran ang dati nitong reporter ng kanyang pro-rated na 13th month pay na naayon sa batas.

Sa desisyong inilabas ng NLRC nitong Marso 27, inatasan nito ang Concept Information Group Inc na bayaran ang 13th month pay ng nagbitiw nilang reporter na si Gabriel John Villegas.

Umalis si Villegas sa Daily Tribune noong Oktubre 2022 dahil sa hindi umano nito pagbabayad ng mga kontribusyon sa mga government premiums kahit na siya inaawasan nito sa kanyang sweldo.

Sa mga ipinatawag na pagdinig ng NLRC, hindi sumipot dito ang Daily Tribune.

“In the demand for the payment of 13th-month pay, which Presidential Decree No. 851 mandates be given to employees as a matter of right, it is obvious that respondents never refuted the claim or presented any proof of its payment,” pahayag ng NLRC sa desisyon nito.

Samantala, hindi naman kinatigan ng NLRC ang hiling ni Villegas na dapat bayaran siya ng kompanya ng moral at exemplary damages dahil sa “he did not establish by convincing evidence that respondents were motivated by bad faith and ill motive.”