MAGHANDA-handa na ang mga motoristang dumadaan sa North Luzon Expressway dahil simula Hunyo 4, ipatutupad na ng pamunuan ng NLEx Corporation ang dagdag na toll fee.
Sa advisory nitong Miyerkules, sinabi ng Toll Regulatory Board (TRB) na inaprubahan na nito ang implementasyon ng ikalawang tranche ng periodic toll adjustment na hiniling ng NLEx para sa 2018 at 2020.
Sa bagong toll fee matrix, ang mga motoristang bumibiyahe sa open system ay may dagdag na singil na P5 para sa Class 1 vehicles (regular cars and sports utility vehicles), P14 para sa Class 2 vehicles (buses and small trucks), at P17 para sa Class 3 vehicles (big trucks).
Ang open system ay mula Balintawak sa Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan habang cover naman ng closed system ang bahagi ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kasama ang Subic-Tipo.
Samantala ang mga bumibiyahe naman ng NLEx end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay kailangang magbayad ng karagdagang P27 para sa Class 1, P68 para sa Class 2 and P81 para sa Class 3 vehicles.
Noong nakaraang taon, unang ipinatupad ang first tranche o 50 porsiyentong toll adjustment na inaprubahan ng TRB.