MATINDING trapik ang idinulot ng protesta na isinagawa ng mahigit sa 100 truck sa Anda Circle sa Maynila laban sa North Luzon Expressway (NLEx) na kamakailan lang ay nagpatupad ng dagdag na toll.
Ikinasa ang protesta ng mga miyembro ng Central Luzon Alliance of Concerned Truck Owners (ACTO) Biyernes ng umaga na ikanayamot naman ng maraming mga motorista.
Wala umanong permit na kinuha ang mga raliyista para magsagawa ng kilos protesta, gayunman binigyan ng Manila Police District ng 30 minuto ang mga ito para ipabatid ang kanilang complaint.
Ayon kay Connie Tinio, pinuno ng Central Luzon ACTO, hinihiling nila sa pamunuan ng NLEx na suspindihin muna ang pagpapataw ng dagdag na singil sa toll lalo pa’t hindi pa rin anya sila nakakarekober mula sa epekto ng pandemya.
Sinabi ni Tinio na may 100 hanggang 200 pang truck ang sasali sa kanilang kilos protesta sa mga susunod na araw.
Matatandaan na nitong Hunyo ay pinayagan ng Toll Regulatory Board ang NLEx na magpataw ng dagdag singil sa toll.
Dagdag na P7 ang ipinataw sa Class 1 vehicles (car, jeepney, van or pickup) sa NLEx’s “open system” mula Balintawak hanggang Marilao, habang P17 para naman sa Class 2 (bus and light trucks) at P19 parasa Class 3 (heavy and trailer trucks).