NAKAAMBA na naman ang mas maiinit na hapon ngayong Huwebes matapos magbabala ang National Grid Corporation of the Philippines na inilagay sa red at yellow alert status ang Luzon at Visayas grid dahil sa mas manipis na suplay ng kuryente.
Ayon sa NGCP, naka-red alert status ang Luzon mamayang alas-3 hanggang alas-4 ng hapon at alas-8 hanggang alas-10 ng gabi.
Ang yellow alert naman ay itataas mamayang ala-1 hanggang alas-3 ng hapon, alas-4 hanggang alas-8 ng gabi at alas-10 hanggang alas-11 ng gabi.
Ang Visayas grid naman ay naka-yellow alert simula ala-1 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Itinataas ang red alert status kapag hindi kinaya ang demand na power supply ng mga consumer sa transmission grid’s regulating requirement.
Ang yellow alert naman ay kapag ang operating margin ay hindi sapat para tugunan ang transmission grid’s contingency requirements.