ISINAPUBLIKO ni Paris Olympics bronze medalist Nesthy Petecio na hindi niya ipinagkakait sa pamilya ang mga nakuha niyang pabuya mula sa tagumpay sa Tokyo at Paris Olympics.
Sa katunayan, ani Petecio, ibinigay niya sa nakababatang kapatid ang mga house and lot na natanggap niya makaraang manalo ng silver medal sa Tokyo noong 2021.
“Yung mga bahay at lupa na natanggap ko, binigay ko lahat sa mga kapatid ko. Para talaga sa kanila ‘yon,” ayon sa boxer.
“Sa kanila muna bago ako.”
Matatandaan na maliban sa mga bahay at lupa, biniyayaan din si Petecio ng humigit-kumulang P17 milyon cash, condominium sa Davao City, at habambuhay na libreng biyahe sa Philippine Airlines.
Samantala, nakatanggap si Petecio ng P2 milyon mula sa pamahalaan, P1 milyon mula sa Senado, P1 milyon mula sa Kamara de Representates at P2.5 milyon mula sa mga kongresista.
Ani Petecio, ipupuhunan niya ang mga natanggap na insentibo sa mga lupa at iba pang properties para maging maginhawa ang kanyang pagreretiro.
Idinagdag niya na mahilig siyang mag-alaga ng hayop kaya iyon aniya ang gagawin niya kapag hindi na siya atleta.
“Ang gusto ko lang, simpleng buhay sa probinsiya. Iyon lang ang pangarap ko para sa akin at sa pamilya ko. Ayokong malayo kami sa isa’t isa,” wika ni Petecio.