AABOT sa mahigit 1,300 pamilya ang apektado ng Severe Tropical Storm Florita, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules.
Sa report, 1,344 pamilya o kabuuang 4,646 katao ang apektado ng pananalasa ng bagyong Florita sa walong lalawigan.
Naitala rin ang 1,529 ang nawalan ng tirahan at ngayon ay nasa 19 evacuation centers.
Hindi pa matukoy ng NDRRMC ang bilang ng mga nasawi at nasugatan bagamat may ulat na dalawa ang nasawi sa Isabela matapos mabangga ang kanilang sinasakyan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo bagamat 11 lugar pa sa bansa ang nananatili sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.