NANGINGINIG, NAG-IIYAKAN: 20 FOOD DELIVERY RIDERS NABIKTIMA NG SCAMMER

AABOT sa 20 delivery riders na may bitbit na libo-libong halaga ng pagkain ang nabiktima ng isang scammer sa Quezon City kahapon.


Ayon sa netizen na si Sheryll Mae Ilano, halos magkakasunod na nagdatingan ang mga delivery riders, karamihan ay mula Grab, sa address ng kanilang kapitbahay simula alas-3 ng hapon.


Itinanggi naman ng may-ari ng bahay na umorder sila ng pagkain. Ani Ilano, mga matatanda at bata ang nakatira doon.


Kabilang sa mga inorder ng scammer ang P5,000 halaga ng pizza, P5,000 halaga ng lechon meal, P5,000 halaga ng produkto ng Popeyes, at 30 milkshakes mula sa McDonald’s.


“May isa worth P4,500 ang order sa kanya,” ani Ilano.


Sinabi ng netizen na para matulungan ang mga riders ay binili nilang magkakapitbahay ang ilan sa mga pagkain.


“Hinarang ko yung may order sa kanya na 30 pcs (ng milkshake). Naiyak na si kuya at nanginig kasi matutunaw ‘yung inumin buti may mabuting tao na kamag-anak namin ang pinakyaw at pinamigay sa mga kapitbahay.


Hinang hina at natutulala si kuya sa ginawa ng tao na iyon,” kuwento ni Ilano.


Dagdag niya: “Grabe nanginginig na at umiyak na mga riders sa pangyayari. Pati ako di ko na kinaya sikip ng dibdib ko. Nakakaawa sila.”


Sinabi ni Ilano na nai-report na nila sa barangay at sa Grab ang pangyayari at naipa-ban na ang numero na ginamit ng scammer.


“Bakit may mga taong walang puso? Ngayong pandemic at Semana Santa pa talaga? Imagine, 20 tao na may pamilya ang niloko ng isang tao na walang magawa sa buhay?!” himutok pa niya.