DAPAT tantanan na ng Department of Tourism ang pumalpak na “Love the Philippines” campaign slogan nito dahil sa bukod sa dami ng bash na inabot nito sa mga netizens magiging katatawanan pa ang bansa sa buong mundo, ayon kay Senador Nancy Binay.
“Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign… The campaign has lost its redeeming value and has become unsalvageable—I hope the DOT is level-headed enough to accept this,” pahayag ni Binay, chair ng Senate committee on tourism.
Anya, magiging kahiya-hiya lamang sa buong mundo kung paninindigan pa ng DOT ang paggamit sa kontrobersyal na slogan.
“We don’t want the slogan to become a national embarrassment and look like losers,” dagdag pa niya.
“Again, huwag nang ipilit. Hindi masama ang magkamali. ‘Love’ was not meant to be. Let us all move on and just bring back the ‘Fun’ to the Philippines,” ayon pa sa senador.
Nauna nang inihayag ni DOT na itutuloy pa rin nito ang paggamit sa slogan na “Love the Philippines” bagamat kinumpirma nitong binawi na ang kontrata nito sa DDB Philippines na siyang gumawa ng video na nag-viral dahil sa mga hindi orihinal na materyales.