RERESBAKAN ni Angelica Yulo, ina ni Olympic gold medalist Carlos Yulo, ang mga netizens na naghahasik ng mga paninira laban sa kanyang pamilya.
Ayon sa abogadong si Raymond Fortun, legal counsel ni Gng. Yulo, nakatakda silang dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang mga indibidwal na nagkakalat ng libelous remarks.
Ipinaliwanag ni Fortun na lahat ng mga pahayag na ipinapalagay o inaa-attribute sa ginang at sa mga anak na paninira, pamimintas o pagdungis sa tagumpay ni Carlos ay “products of imagination and fantasy” o peke lamang.
Bunsod nito, winarningan ng abogado ang mga nagse-share ng mga pekeng post, kasama na ang mga humihirit ng “below-the-belt” at “libelous comments,” na maaari silang maparusahan sa ilalim ng Anti-Cybercrime Law.
Upang hindi na madamay pa sa reklamo, pinayuhan ni Fortun na burahin na ang mga post.