INANUNSYO ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na hindi na basta-basta ngayong makapag-ooperate ang mga nagsulputang mga survey firms ngayong nalalapit na ang halalan.
Sa Comelec Resolution No. 11117 na inaprubahan nitong Miyerkules, Pebrero 19, nagdesisyon ang En Banc na i-regulate ang mga survey firms na nagsulputang parang mga kabute.
“During the election period, any person, whether natural or juridical, candidate, or organization that conducts and publicly disseminates an election survey must register with the Political Finance and Affairs Department (PFAD) of the Commission,” ayon sa pitong-pahinang resolution.
Ayon sa Comelec, kailangang magsumite ng “comprehensive report” sa PFAD sa loob ng limang araw bago ang pagpapalabas ng survey na ginawa nito.
Kailangan din ibigay nito ang detalye ng kabuuang halaga na ginastos ng kandidato sa pinakomisyong survey upang mamonitor ang mga ginastos ng kandidato.
Tanging ang mga “pre-registered entities” lamang ang papayagan na magsagawa ng election survey.