Nagsaboy ng asido sa Wattah Wattah Festival sa San Juan kakasuhan

KAKASUHAN ang lalaking nagsaboy ng asido sa selebrasyon ng taunang “Wattah Wattah Festival” noong Lunes, June 24, ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora.

Nanawagan din si Zamora sa iba pang mga biktima upang makasuhan ang mga nanggulo sa pista.

Ginawa ang pahayag makaraang mag-viral ang pagsaboy umano ng isang lalaki ng asido sa mga nambasa sa kanya ng tubig.

Ayon kay San Juan City police chief Col. Francis Reglos, habang nagkakasiyahan ang mga residente sa Aurora Blvd. ay dumaan ang isang lalaki.

Nagalit ang lalaki nang buhusan ito ng tubig-kanal pero umalis din nito makaraang pagsabihan ang nambasa sa kanya.

Pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang lalaki at sinabuyan ng muriatic acid ang nambuhos sa kanya. Tinamaan ang biktima sa mata.

Agad namang nasakote ng mga barangay tanod ang suspek.

Maliban dito, ilan pang indibidwal ang nadakip ng pulisya dahil sa panggugulo. Mga kasong direct assault, physical injuries, light threats, coersion, unjust vexation at slander ang isasampa laban sa mga nadakip, ani Reglos.