IPINAGPALIBAN ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapataw ng multa sa mga motorista na dadaan sa mga expressways na walang radio frequency identification (RFID) tags at kulang ang pondo sa kanilang mga accounts.
Sisimulan lamang anya ang pagmumulta sa Enero sa susunod na taon sa sandaling maayos ng mga operators ang kanilang mga sira-sirang RFID, ayon sa DOTr.
“We are extending to January next year the implementation of the penalties, not the whole program of cashless expressways under the Joint Memorandum Circular 2024-001,” ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista sa briefing sa Palasyo nitong Lunes.
“We are collating inputs from recent consultation meetings with various tollway stakeholders, including information and profiles of violators. This information will be used to make any amendments to the joint memorandum circular,” dagdag pa niya.
Nakatakda sanang ipatupad ang pagmumulta sa mga walang RFID o kulang ang pondo sa kanilang mga accounts simula sa Oktubre 1 na umani namang ng sangkatutak na batikos mula sa publiko at mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), may 100,000 behikulo na dumaraan sa mga expressways ang wala pang RFID.