GUSTO pang humabol ng 25 kongresista na maisama ang kanilang pirma sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na isinumite nitong Miyerkules sa Senado.
Ito ang kinumpirma ni Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong sa isang press conference nitong Huwebes.
Anya, gusto ring pumirma ng 25 na kongresista na hindi agad nakapalagda sa impeacment articles dahil nasa abroad o nasa kani-kanilang mga distrito ang mga ito.
Dahil dito, mula 215, aakyat sa 240 ang kabuuang bilang ng mga kongresista na lumagda sa Articles of Impeachment, o 75 porsiyento ng 306 kabuuang bilang ng House members.
Samantala itinanggi rin ng maraming kongresista na “bayad” ang kanilang pagpirma sa impeachment laban kay Duterte.
“We categorically deny such allegations,” ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodrigo Gutierrez.
“This was an independent action. We believe it was done faithfully and truthfully by each member.”
Smear campaign lang anya ito, sabi naman ni Adiong.