KAPWA nag-improve ang trust at performance rating nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte sa huling quarter ng 2023, ayon sa isinagawang Tugon ng Masa survey na inilabas nitong Martes.
Ayon sa OCTA Research na nagsagawa ng survey, umakyat sa 76 percent ang trust rating ni Marcos mula sa dating 73 percent na naitala noong Oktubre, habang umakyat sa 71 percent mula sa 65 percent ang kanyang performance rating.
Umakyat naman sa 77 percent ang trust rating ni Duterte mula sa 75 noong huling survey. Nasa 75 percent naman ang kanyang performance rating, mas mataas sa 70 percent sa huling tala noong third quarter.
Isinagawa ang survey sa 1,200 katao noong Disyembre 10 hanggang 14.
Naitala ni Marcos ang pinakamataas na trust rating sa Visayas na 79 percent at pinakamababa sa Mindanao.
Samantala, 99 percent naman ang nakuha ni Duterte sa Mindanao habang sa Luzon ay nakapagtala lang ito ng 64 percent.
Sa performance naman, pinakamataas na nakuha ni Marcos ay mula sa Balance Luzon na 77 percent at pinakamababa sa Mindanao na 57 percent haban si Duterte naman ay 97 percent sa Mindanao at 61 percent sa Luzon.