Marcos: Pagkukumpuni ng kalsada gawin sa gabi

UPANG hindi makaabala sa trapiko, itinulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawin sa gabi ang pagkukumpuni ng mga kalsada sa Metro Manila.


Sa ginanap na traffic summit sa San Juan nitong Miyerkules ay sinabi ng Pangulo na bawas-abala sa motorista kung walang gagawing pagsasaayos ng mga kalye sa araw.


“Sa mga urban areas, hangga’t maaari ‘yung roadworks gawin sa gabi. Huwag na nating harangin, antayin na natin ‘yung gabi, ‘yung halos walang traffic, gawin natin ‘yung roadworks doon. Hangga’t maaari huwag lang ma-delay,” wika ni Marcos.


Ayon sa Pangulo, ngayon na ang panahon upang masolusyunan ang matagal nang problema sa traffic sa bansa.


Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang mga ahensya ng pamahalaan at local government units na lutasin din ang problema sa basura na dumadagdag sa pagsisikip ng mga daan.


“Nagulat nga ako na pati ‘yung basura kasama sa issue sa traffic. Oo nga naman, kung tayo ay dumadaan ay nakikita natin kung saan-saan na lang tinatambak ang basura,” sabi niya.


Sa kabila nito, ipinunto ng Pangulo na hindi dapat ibunton ang sisi sa publiko.


“Huwag nating sisihin lamang ‘yung mga nagtatambak ng basura. Kung wala silang ibang pinaglalagyan ng basura, wala tayong ibinigay sa kanilang basurahan, wala talaga silang gagawin kundi magtambak at basta itatapon na lang kung saan-saan,” sabi niya.