MARAMING magsasaka ang naghihirap dahil sa katamaran at hindi marunong magplano, ayon kay Sen. Cynthia Villar.
Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, ipinaliwanag ni Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, na dapat ay alam ang magsasaka kung anong in-demand sa kanilang lugar para matantiya kung gaano karami ang itatanim.
Sagot niya ito sa ulat na itinatapon na lamang ng maraming magsasaka ang mga ani nilang sibuyas at gulay dahil sa oversupply.
“Iyang oversupply that means maling planning. Hindi mo dapat inili-limit sa isang crop ang production. Dapat ‘yung mga farmer alam nila kung ilan ang demand sa kanila, ‘yun lang ang itatanim nila,” aniya.
Ipinunto niya na imbes itapon ay dapat nag-iisip ang mga ito ng pwede pang paggamitan ng mga sobra nilang ani.
“Tinatamad iyon kaya tinatapon. Puwede namang i-process iyan. Hindi dapat itinatapon. Lahat ng bagay may use, kailangan lang tayo ay creative,” sabi ni Villar. “Huwag kang produce nang produce. Ang dami daming puwedeng i-produce e at saka ‘pag nag-over production ka gawan mo ng paraan,” giit niya.