MARAMING lugar sa Kamaynilaan ang nakaranas ng pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan bunsod ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Fabian.
Sa rekord na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, maraming lugar ang binaha hanggang tuhod sa iba’t ibang parte ng Makati, Maynila, Mandaluyong at Quezon City.
Ilan sa mga lugar sa Makati gaya ng Edsa-Magallanes, Pasong Tama, Buendia-Filmore ang matindi ang pagbaha dahilan para magkabuhol-buhol ang trapiko.
Baha rin ang Edsa-Ortigas area habang sa Maynila mataas ang naging pagbaha sa Taft-Ma. Orosa at ilang bahagi ng Espana avenue.
Sa Quezon City, binaha rin ang Aurora-Araneta area at E.Rodriguez-Araneta.
Sa abiso na ibinigay ng state weather bureau, sinabi nito na makararanas ng moderate to heavy rains ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro sa loob ng 24 na oras.