MARIIING itinanggi ng Malacanang ngayong Lunes ang akusasyon ni Vice President Sara Duterte na sangkot si First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay ng isang Pinoy sa Estados Unidos na naganap sa kalilipas na trip nito sa Estados Unidos.
Sa panayam kay Duterte, sinabi nito na kaya umano inaresto ang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at saka isinuko sa International Criminal Court (ICC) upang pagtakpan ang kontrobersyang kinasasangkutan ng Unang Ginang sa US.
“Tapos noong nagkaroon ng malaking krimen sa Estados Unidos at merong namatay dahil sa drug overdose at nakita from the police report ay nandoon ang pangalan ng First Lady Liza Marcos na isa sa mga tao sa loob ng kwarto kung saan ang tao ay nag-overdose sa suspected drug overdose sa hotel room at maraming nakitang white powder substance na sinabi sa police report ay suspected cocaine, ay bigla nilang kinidnap, kinuha si Pangulong Duterte,” ayon kay Duterte.
Ngunit iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na walang katotohanan ito dahil ito ay “fake news”.
“Sa kanya pala nanggaling ang fake news. Siya pala ang source ng fake news na ito na pinapakalat laban sa Unang Ginang, kay First Lady. Unang-una po kailangan pa ba nating paniwalaan ang mga ganitong klaseng istorya na nanggagaling sa Bise Presidente?” ani Castro.
Pahayag pa ng opisyal na baka pa naganap ang insidente ay nakabalik na sa bansa ang Unang Ginang.
Bukod pa rito, nakipagpulong pa ang Unang Ginang sa mga representante ng Girl Scourts of the Philippines noong Mayo 11.
“Ito po ang sinabi ni VP Sara ay walang paggalang sa pamunuan, sa organisasyon ng Girl Scouts of the Philippines, pinapalabas niya na ang event na ito ay hindi nangyari. Bilang bise Presidente, hindi po ba dapat inalam niya muna kung itong mga taong ito na nabanggit ko from the Girl Scouts of the Philippines ay totoong nagkaroon ng meeting sa ating First Lady,” dagdag pa ni Castro.
“So, tanong natin, dapat pa bang paniwalaan ang mga sinasabi ni Bise Presidente, kung sa kanya naman pala nanggaling ang mga fake news at disinformation na ito.”
Malacanang: VP Sara source ng fake news
