NAGKAKALAT ngayon ang Kongreso sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers na naglalatag ng mga karapatan at kagalingan ng sub-sector na iyan ng ating overseas Filipino workers (OFWs).
Saan ka nakakita, tatlong beses ni-ratify ang isang panukala? Ginawang laban-bawi. Naglalaro? December 2023 unang pinaaprubahan ng Kongreso kay Marcos Jr ang panukala, pero pinabawi ng Senado.
Malakas ang pagtutol ng mga seaman, seamen’s groups, advocates at non-governmental organizations sa unang panukala dahil may probisyon itong bond deposit sa naipanalong labor cases ng marino.
Nagpatawag ulit ng bicameral conference committee pero tanggal na ang tinututulang bond provision, ni-ratify ng senate May 22 habang ang House, May 23.
Pero hindi na naman pinirmahan ni Marcos Jr.
Kaya sa pangatlong pagkakataon, nitong July 29, pagtapos uling buuin ang bicam at ibalik ang bond execution, ipinagtibay na naman ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Kakaiba guys, nawi-weirdohan talaga ako sa dinaanang proseso. Pwede pala yan sa rules? Pero ano ba ang bond execution provision na yan?
Ito yung pagbabayad ng bond ng marinong Pinoy bago i-release ang monetary claims tulad ng benefits kung nagkaron siya ng disability.
May kongkretong paliwanag si Bayan Muna Chair Atty Neri Colmenares sa interview ni Kabayan Noli De Castro sa TeleRadyo Serbisyo nitong August 8:
“Pag nanalo ang seafarer sa NLRC o DoLE at inapela ng employer o shipowner, hindi makukuha ng seafarer kung naipanalo niya (ang kaso). Halimbawa disability, na-injure siya, naputulan siya ng kamay, may disability sa kanya, nakuha na nya yon, nanalo siya. Pag umapela ang shipowners, hindi niya makukuha (ang money claims) unless mag-bond siya.”
Ridiculous.
Kaya giit ni Colmenares kay Marcos Jr, i-veto ang bond requirement na yan.
Sa Labor Code, ang posting ng bond ay minamandato sa employer habang ang manggagawa ay pinagbabayad lang ng minimal fee.
Katuwiran ni Sen Tulfo sa kanyang sponsorship speech:
“Kailangang balansehin ang interes ng seafarers at shipowners para tiyakin na may patuloy na papasukan ang marinong Pinoy sa pamamagitan ng paborable at makatuwirang legal na mekanismo para sa dalawang partido at para tuldukan na ang problema ng ambulance chasing nang hindi nadedehado ang interes ng Pinoy seafarers na minimal lang ang gastos o walang gagastusin.”
Ano raw?
Hindi ba kaya nga Magna Carta of Seafarers dahil kinikilala ang mga dapat ay tinatamasa nilang karapatan at benepisyo at hindi ng shipowners.
Kaya nga hindi kailanman magiging balanse ang isang Magna Carta para sa mga manggagawa dahil para sa manggagawa yun, hindi sa kapitalista.
Magna Carta ba yan ng marinong Pinoy na kung ikaw ang naaksidente, nag-file ka ng benefit o money claims, nanalo ka tapos hindi mo pa make-claim ang panalo mo at kailangan magbayad ka ng bond dahil umapela ang foreign shipowners sa Court of Appeals at pwedeng umabot hanggang sa Supreme Court.
Ang batas na naglalatag ng karapatan at kagalingan ng seaman, ang siya ring batas na gumigipit sa kanya.Panalo ka na, haharangin pa ang benepisyo mo. Mga wala kayong awa. Naaksidente na, binudburan nyo pa ng asin at ininsulto pa ang sugatan dahil itinengga ang claims gawa ng bond requirement na yan.
Wala nang pera yung tao magdurusa pa ng ilang taon hanggang may final SC decision. Panu kung patay na ang beneficiary nyan.Parusa para sa Pinoy seamen ang pinaggagawa ng kamara at senado sa panukalang Magna Carta of Seafarers ng sub-sector na iyan ng ating overseas Filipino workers (OFWs).
Sa datos ng Department of Migrant Workers, mahigit 578, 600 Pinoy seamen ang dineploy nung 2023 o higit 25 percent ng kabuuang bilang ng maglalayag sa buong mundo.
Base sa missiontoseafarers.org merong 1.89 million seafarers sa buong mundo na nagtatrabaho sa 74,000 barko.
Alam naman ng lahat na nag-lobby ang international shipping magnates kay Marcos para ibalik ang bond execution provision at binubuo ito ng International Chamber of Shipping (ICS) at International Maritime Employers’ Council (IMEC).
Ang dahilan ng mga may-ari ng mga barko, nalulugi sila dahil sa tinatawag na “ambulance chasing”.
Ito raw yung modus ng mga lawyer na kumbinsihin ang mga seaman na naaksidente sa trabaho na humingi ng monetary damages sa kanilang employers. Kadalasan daw, konti lang nakukuha ng beneficiary at ang malaking parte ay napupunta sa kanilang lawyers.
Sampung pake.
Totoo man o hindi, hindi pa rin solusyon na ipakargo sa seaman ang paniniguro na hindi malulugi ang employer sa kanila kung nabaligtad ang desisyon at manalo ang kapitalista sa kaso.
Dapat maghanap ng ibang paraan na lulutas dyan.
Sa pagsunod ninyo sa mga kagustuhan ng foreign shipowners, hindi ba lumalabas na Magna Carta of Shipowners ang panukalang gusto nyong maging batas.
Kaya kahit sino ay magdududa na kaya urong-sulong ang probisyon sa bond execution na yan dahil gumagapang ang lobby money sa kongreso at sa Malacanang. Totoo o hindi?
Mas papaboran ba talaga ang mga dayuhang kapitalista na bilyon-bilyon ang yaman kesa ang mga kapamilya nating marinong Pinoy?
Finally, ang pasabog – alam nyo bang nito lang July 11, ipinasa ng United Nations Human Rights Council ang landmark resolution na nagtataguyod at nangangalaga sa mga karapatang pantao ng seafarers sa buong mundo?
Excerpt: “.. safe and secure workplace, fair terms of employment, decent working and living conditions on-board ships, health protection, medical care, welfare measure and other forms of social protection,..”Panukala ito na inisyatiba at ipinaglaban mismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs at co-sponsored pa ng 28 bansa.
Aw!
Nag-sponsor ka ng UN reso sa proteksyon ng seaman, tapos Pilipinas ba, ikaw ba Marcos Jr, ang unang babali?
Araling mabuti ang gagawing desisyon.