Mag-ina patay, 6 sugatan sa aksidente

NASAWI ang mag-ina habang sugatan ang anim na iba pang pedestrian nang araruhin ng owner-type jeep na nawalan ng preno sa Norzagaray, Bulacan.

Naganap ang insidente alas-10:30 ng umaga ng Huwebes sa Sitio Bitbit, Brgy San Mateo, ayon sa pulisya.

Pababa ang sasakyan sa pakurbang kalsada nang mawalan ito ng preno at salpukin ang isang ginang at dalawa niyang anak.

Dead on the spot ang ginang at anak na lalaki habang sugatan ang anak nitong babae. Residente ng Brgy. San Francisco sa bayan ng Bulacan.

Napag-alaman na patungo sa Bitbit River ang mag-iina para mag-swimming.

Outing din ang pakay sa ilog ng limang sakay ng owner-type jeep na nasugatan nang sumalpok ang sasakyan nila sa puno makaraang sagasaan ang mag-iina.

Ayon sa mga residente, accident prone ang lugar dahil kurbada at matatarik ang kalsada. Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries ang driver ng owner-type jeep.