LALONG tumindi ang traffic sa North Luzon Expressway hapon ng Linggo ng Pagkabuhay matapos magliyab ang isang LPG tank truck sa gitna ng Pulilan viaduct.
Dahil dito, isinara ng NLEx ang mga kalsada nito sa lahat ng lane, southbound at northbound, at inilihis ang mga motorista sa Mac Arthur Highway.
Gayunman, binuksan ang mga lanes nito dakong alas 4:30 ng hapon nang matiyak na ligtas na ang kalsada.
Nagsimula ang sunog dakong alas-3 ng hapon at idineklara ang fire out alas 4:26 ng hapon.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente. Iniimbestigahan pa rin ng Bureau of Fire Protection ang insidente.
Libo-libong mga motorista ang naapektuhan sa nasabing sunog, lalo pa’t nagsisimula nang magsibalikan mula sa mga probinsya ang marami matapos ang Lenten break.