SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng driver ng Toyota Fortuner na sangkot sa road rage incident sa Subic Bay Freeport Zone nitong nakaraang weekend.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, pinatawag na rin ng LTO Region 3 ang babaeng suspect sa insidente para magbigay ng paliwanag.
Iniutos ang 90 araw na suspensyon sa driver na residente ng Morong, Bataan.
Ang Fortuner naman na may conduction sticker na Z7N88 ay inilagay na rin sa alarm list ng LTO, at nakapangalan sa isa pang babae na residente naman ng Makati City.
“Personal kong tututukan ang kasong ito dahil ang ganitong asal ay hindi gawain ng isang matinong motorista,” pahayag ni Mendoza sa isang kalatas.
“Magsilbing aral na naman muli itong kasong ito sa ating mga motorista na walang mabuting maidudulot ang galit lalo na habang magmaneho.”
Sa show cause order na inilabas ni LTO-3 director Ronnie Montejo, kailangan humarap ang driver at may-ari ng sasakyan sa isasagawang hearing sa Marso 1, bukod sa kailangan nilang magsumite ng paliwanag pitong araw matapos matanggap ang summon.
“Non-filing or late submission of the answer is deemed an admission of the allegations,” pahayg ng show cause order.
Matatandaan na ang road rage incident ay naganap alas 10:30 ng umaga noong Pebrero 17 sa pagitan ng SUV at Hyundai Eon sa Binictican Road sa Subic Bay Freeport Zone.
Sa viral video na nakunan ni Jhojo Alba, ilang beses na sinuwag ng Fortuner ang itim na Hyundai Eon compact car na minamaneho ng senior citizen.
Kita sa video kung saan tinangka pang sundan ng Fortuner ang mga pasahero ng maliit na sasakyan habang naglalakad — isang babae at matandang lalaki na meron pang tungkod — sa gilid na kalsada.