ISANG student-athlete ang naospital makaraang luksuhan ang kanyang likod ng miyembro ng nakalaban sa football secondary finals sa Palarong Bicol 2024 na ginaganap sa Bicol University Sports Complex, Legazpi City, Albay.
Nagtamo ng back injury ang biktima na mula sa Masbate at kasalukuyang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.
Hindi naman kinilala ang salarin na mula sa Naga City team.
Ayon sa ulat, katatapos lang ng laro sa 5-0, pabor sa Masbate, nang sugurin ng miyembro ng team mula sa Naga City ang player ng Masbate na nakadapa habang nagpapasalamat sa Diyos sa kanilang panalo.
Huli sa viral video kung paano niluksuhan ng taga-Naga ang likod ng taga-Masbate bago tumakbo palayo.
Nagresulta ang insidente ng rambol sa pagitan ng mga magkakalabang players sa field at kanilang mga tagasuporta sa grandstand.
Inabot ng ilang minuto bago naawat ang labo-labo.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) Regional Office V at ang Bicol Region Athletics Association kaugnay sa pangyayari.
“We will see to it that this incident is properly handled and acted upon, and ensure that violent actions such as this shall not be repeated in future Palaro events,” ayon sa DepEd Bicol.
Hiyang-hiya naman ang coach ng Naga football team sa ginawa ng kanyang player.
“As the Coach of the Naga City Football Team, I am equally aghast and deeply sad about how the Secondary Football Finals between Masbate City and Naga City deteriorated into a heated game marred with violence. I strongly believe that violence has no place in sports -whether as player or as spectator,” ani Ferdinand Tuy.
“I extend my hand in peace and apology to everyone who was hurt and everyone who were equally saddened by the turn of events. I hope and pray that forgiveness, peace and healing prevail amidst this trying time,” dagdag niya.