NAKUMPLETO na ni Vice President Leni Robredo ang Step 2 Registration para sa Philippine Identification System (PhilSys), inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, nakumpleto ni Robredo ang Step 2 Registration noong Lunes sa Magarao, Camarines Sur, sa loob lamang ng 12 minuto.
Kabilang sa Step 2 Registration ang pagkuha ng biometric data tulad ng fingerprint, iris scan, at front-facing photograph.
Wala namang naging aberya sa pagproseso ng biometric data ni Robredo, na pumila kasama ang ilang lokal na residente.
Ayon sa PSA, mahigit 6.3 milyon na ang natapos sa Step 2 Registration mula noong Enero.
Matatandaang nagkaaberya ang PhilSys portal nang simulan ang online Step 1 Registration noong Abril 30.
Sa Step 1 ay kinukuha ng PSA ang pangalan, gender, araw at lugar ng kapanganakan, blood type, address, citizenship, marital status, cellphone number, at email address ng nagparehistro.
Ang Step 3 ay ang pag-iisyu nq ng PhilSys Number (PSN) at Philippine Identification (PhilID) card.