MATAPOS ibasura ang planong pag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal, mag-aangkat pa ring ang pamahalaan ng 100,000 MT ng asukal sa Oktubre.
Sa kanyang vlog, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na kailangan ang mag-angkat dahil paubos na ang suplay. Gayunman, hindi umano kailangan ng 300,000 metriko tonelada kundi 100,000 lang.
“Maaari baka bandang Oktubre, yung supply na nandito sa Pilipinas ay paubos na baka sakali ay kailangan natin mag import. Pero kakaunti lang hindi kasing dami ng kanilang sinasabi dati na 300,000 tons. Siguro ay malaki na yung 100,000 tons para sa buong taon,” sabi ni Marcos sa kanyang vlog.
Sa ngayon ay sapat pa rin ang suplay ng asukal sa bansa na tatagal pa ng dalawang buwan.
“So bago tayo mag-import ng panibagong asukal, dapat ubusin muna natin ang supply dito,” dagdag ni Marcos.
Nauna nang ibinasura ni Marcos ang planong mag-angkat ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng 300,000 metriko toneladang asukal.
“Ayaw na ayaw natin mag-import ngunit kung hindi sapat ang supply ng pagkain, mapipilitan talaga tayo mag-import dahil kung hindi tayo mag-import at mababa ang supply, magtataasan naman ang presyo,” dagdag ni Marcos.