INIREKLAMO sa pulisya ang isang residente ng Brgy. Olympia sa Makati na pumatay sa kuting na nakatambay sa harap ng kanyang bahay nitong Linggo ng gabi.
Wala nang buhay ang duguang kuting na nasa loob ng basurahan nang datnan ito ng mga rumespondeng tanod.
Bago ito, naaktuhan ng mga kapitbahay ang suspek na pinapalo ng kahoy ang kuting.
Tinangka nilang sawayin ang suspek pero ipinagpatuloy lang nito ang pag-atake sa hayop.
Ilang beses pa umanong binalikan ng suspek ang kuting at tinusok pa ito para masigurong wala na itong buhay.
Sa presinto, ikinatwiran ng suspek na muntik na siyang kalmutin ng pusa sa mata kaya nagawa niya itong patayin.
Aniya, ilang araw nang nakatambay ang kuting at ang ina nito sa kanilang bakod kaya binugaw niya ang mga ito.
Hindi agad nakatakbo ang kuting.
“Gusto ko lang talaga paalisin. Hindi ko talaga gustong patayin ‘yung hayop na ‘yon kaso wala akong magagawa,” aniya.
“Noong sinigawan ko parang kinalmot, muntik na akong tamaan sa mata e. Nag-blackout na ako,” dagdag-depensa niya. Nakatakdang sampahan ng reklamong animal cruelty ang suspek.