Korona ni Ahtisa may kapareho sa Shopee?

HOT topic ng mga marites ang korona ni Miss Quezon Province Ahtisa Manalo na hinirang na Miss Cosmo Philippines sa katatapos na Miss Universe Philippines.

Ilang oras makaraang koronahan ay kumalat sa Facebook ang composite photo ni Ahtisa at isang tiara na ipinagbibili sa Shopee sa halagang P1,569.

Nawindang ang mga netizens dahil kamukha ng korona ng beauty queen ang tiara na hindi gaanong mabenta sa nasabing e-commerce platform.

Ayon sa shop ng Levery, ang korona na gawa sa alloy at “diamonds” ay kopya sa ipinutong sa nagwaging Miss Universe Vietnam 2015.

Dagdag ng Levery, isang shop mula sa China, maaaring gamitin ang tiara sa “wedding/prewedding/party/photography.”

At kung namamahalan ang buyer sa presyo, pwedeng magbayad ng P323.50 nang anim na buwan gamit ang SPayLater na payment option.