NANINIWALA ang Department of Health na kahit nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila ay aakyat pa rin ang bilang ng mga kaso ng Covid-19.
Ayon kay Health Undersecretary Mario Rosario Vergeire, papalo sa hanggang 30,000 ang itataas ng mga active cases sa National Capital Region sa katapusan ng Setyembre.
“Dito po sa mga scenario, nakakita po ng increase sa number of cases, from 18,000 to 30,000 plus cases. ‘Yan ay nasa ECQ na po tayo,” ani Vergeire.
“Ang sinasabi lang po natin, these lockdowns will help us prepare the system, but it is not going to control the spread. Kailangan pa rin po natin iprepara ang sistema, gawin po natin ‘yung mga dapat po nating gawin para ma-prevent po natin ang further spread ng Delta variant na ito,” dagdag niya.
Samantala, iginiit ni Vergeire na wala pang community transmission ng Delta variant kahit pa umabot na ng halos 9,000 ang mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa.
“Kailangan natin maintindihan na we need enough evidence for us to pronounce na may community transmission, may implikasyon din po kasi sa international health regulation natin,” paliwanag niya.
Tiniyak naman ng opisyal na pormal na magdedeklara ang DOH ng community transmission sakaling may sapat na ebidensya nang nakalap ang kagawaran.
“Darating po tayo diyan sa pagdedeklara ng community transmission if we are able to provide evidence already that we cannot link these individuals to each other anymore at saka nakikita na natin na talagang kalat na iyong extent nitong variant na ito,” sabi pa ni Vergeire. –WC