NANINIWALA si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na nasa isip lang o haka-haka lang ang kahirapan na nararanasan sa bansa.
“Sa totoo lang, iyong mga nagsasabi ng napakahirap ng buhay ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila iyan,” ayon kay Gadon sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing nitong Biyernes.
Sinabi ito ni Gadon matapos ang ulat na bumaba ang poverty incidence rate sa bansa sa 23.4 porsyento mula sa dating 24.7.
Nangangahulugan anya na 11 milyong pamilya ang nakarekober sa kahirapan dahil meron ng trabaho at nakakapaghain ng pagkain sa mesa.
“That could be translated into 11 million families that have recovered from being unemployed and having lack of food on the table,” ayon sa opisyal.
“Even what we call self-rated hunger has dramatically dropped, which translated into over 800,000 families that have recovered,” sabi pa nito.
Ang pagbaba ay bunsod umano sa agresibong poverty alleviation initiative ng administrasyon, gaya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Disadvantaged/Displaced Workers and Assistance to Individuals in Crisis Situation, at Food Stamp Program na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development.