PINALAGAN nina Tito Sotto at Joey de Leon ang mga umano’y “It’s Showtime” fans na nagkakalat ng balita na magsasara na ang “Eat Bulaga” dahil nalulugi na ito.
Sa April 17 episode ng longest-running noontime show sa Pilipinas, binutata nina Tito at Joey ang mga anila’y fake news peddlers.
Sinabi ni Tito sa “Gimme 5: Laro ng mga Henyo” segment ng show na dadagdagan pa nila ang perang mapapanalunan ng mga contestant.
“May mga sinungaling na nagkakalat na nalulugi raw tayo, at magsasara na raw tayo. Sabi ng mga sinungaling,” aniya.
Segunda ni Joey: “Tito, naiinggit lang ang mga yan dahil hindi sila kasali sa Top 5 longest-running show in the world.”
“Para mapatunayan na tayo ay hindi nagsisinungaling at sila ang sinungaling, bukas bibigyan natin ang media ng kopya natin ng filed income tax,” dagdag ni Tito.
“Kaya sa mga Dabarkads at sa mga ilang hindi Dabarkads, yun pong nagsasalita ng mga ganon, sinungaling yon, kaya huwag na kayong maniwala sa mga ganu’n,” sey pa ng dating Senate President.
“Heto muna ang hamon ko, umabot lang kayo ng 15 years, baka luluhod ako sa harap niyo. Fifteen lang ha, hindi 50 years,” hirit uli ni Joey.
“Bastusan na kasi ang labanan, e. Bastusan na, siraan, walang kuwenta. Enjoy lang tayo. Umabot muna kayo ng 45 years. Longest-running, Top 5 in the world. Mainggit kayo! Bakit kayo ganyan? Ang sasama ng ugali ninyo,” wika pa niya.
Nagsimulang umere sa TV ang “Eat Bulaga” noong 1979.