NAKATAKDANG sampahan ng reklamo ang jeepney driver na nagpababa ng pasahero dahil umano sa pangangatawan nito sa Parañaque City.
Ayon kay Joysh Gutierrez, pursigido siyang ireklamo ang driver at asawa nito dahil sa pamamahiya na naranasan niya sa mga ito.
Sinabi ni Gutierrez na sumakay siya sa jeep na may rutang Baclaran-Sucat pero agad siyang pinababa ng driver.
“Yung asawa ng driver biglang nagsabi roon sa asawa niya na ayaw niya ng matabang pasahero. Bawal sa jeepney, pababain daw ako,” ani Gutierrez.
“So, sumigaw po ‘yung driver na bumaba raw ako, mapa-flat daw po ‘yung gulong nila. Bago lang daw ang jeep nila, two weeks lang daw po sa kanila,” dagdag niya.
Noong una ay hindi ito pinansin ni Gutierrez lalo pa at ipinagtanggol siya ng mga kapwa pasahero.
“Hindi po ako bumaba kasi pinagtatanggol na rin po ako ng mga pasahero na kasama ko po,” sabi niya.
Sa kabila nito, hindi tumigil ang tsuper at asawa nito sa pamamahiya sa pasahero.
“Normal po sa akin na nabu-bully, sanay na rin po ako. Pero kakaiba po kasi ‘yung dinanas ko po kaya sobrang hiyang-hiya po ako sa ginawa ng driver. Napahiya po talaga ako nang sobra,” dagdag ni Gutierrez.
Pagbaba ng sasakyan ay agad dumulog sa pulisya ang biktima.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, bawal mamili ng pasahero ang mga driver ng mga pampublikong transportasyon.
”Isa sa mga polisiya para magkaroon ng prangkisa ng CPC (Certificate of Public Convenience), bawal po mamili ng pasahero. Much worse po ‘yung nakasakay na ‘yung pasahero natin at pabababain natin dahil lang sa kaniyang timbang,” ani LTFRB spokesperson Celine Pialago-Vargas.
Ipinagbabawal din ang pagsingil sa pasahero nang doble ng dahil lang sa kanyang laki o timbang.
“Kung ano po ang binabayaran ng pasahero ay para po sa sarili niya, hindi po dahil tatlong beses siyang mas malaki sa normal na indibiduwal o dalawang beses siyang mas malaki sa normal na inidibidwal. Wala pong ganoon,” dagdag ng opisyal.