LAKING panghihinayang ng isang padre de pamilya nang madamay sa sunog ang P300,000 na inutang niya para pambili ng pampasaherong jeepney.
Kasama ang bahay ni Mark Joseph Pede sa 11 bahay na natupok sa sunog sa Brgy. Fort Bonifacio Zone 3, Taguig City noong Martes.
“Simula pa po kahapon hindi pa po ako nakakatulog. Hindi pa nagsi-sink in sa utak ko ‘yung pera na ganoon kalaki na bigla na lang mawawala sa isang iglap lang. Para sana pantulong sa pamilya ko.
Agad namang nagtungo sa bangko si Pede sa pagbabakasali na mapalitan ang mga nasunog ng bagong pera.
Hiningian si Pede ng bangko ng valid ID at certificate na nasunugan siya.
Pero hindi pa sigurado kung mapapalitan ito ng bangko. “Hindi rin po nila alam. Malay natin, may awa ang Diyos,” ani Pede.
Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog sa nag-overheat na electric fan.
Umabot ito sa ikalimang alarma bago naapula.
Nasa 15 pamilya o 60 indibidwal ang nawalan ng bahay dahil sa pangyayari.