NANAWAGAN ang mga lokal na sugar producer kay Pangulong Bongbong Marcos na ipag-utos ang inspeksyon ng mga bodega sa pagsasabing itinatago ng mga trader ang mga asukal.
Sa isang interview sa DZBB, sinabi ni United Sugar Producers Federation President Manuel Lamata na ipinanawagan na niya dati kay Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica ang pag-iikot sa mga storage ng asukal sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.
“Iyan ang sinasabi ko two months ago, dapat ipasuri ng SRA. Walang ginawa yan. Kung pina-survey malaman niya talaga kung ilan ang stock ng bodega. Ang daming asukal sa mga bodega,” sabi ni Lamata.
Idinagdag ni Lamata na itinataon ng mga trader ang pagdating ng 300,000 metric tons ng asukal na sana’y aangkatin ng SRA.
“Dahil walang importasyon magho-hoard naman sila, lalaruin na naman nila, aakyatin na naman ang presyo,” dagdag ni Lamata matapos namang ibasura ni Marcos ang balak na pag-aangkat ng asukal.
Tiniyak naman ni Lamata na sapat ang suplay ng asukal sa bansa dahil nagsimula nang umani ang mga lokal na producer ng asukal.