Impeachment trial ni VP Sara sa Hulyo pa masisimulan

GAYA nang naunang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat madaliin ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi nito na magsisimula ang paglilitis sa bise presidente sa Hulyo matapos ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.

“Most likely when the new Congress already enters into its functions — after Sona. Sona, I think it is on July 21. So, the trial will commence after that day,” ayon kay Escudero sa isang press conference nitong Lunes.

Naniniwala rin Escudero na walang dahilan para hilingin niya kay Marcos na magpatawag ito ng special session.

“Dagdag pa rito, sino pa ang may gusto na mag special session kami at mag trial kami bago mag election? Sino ba ang humihiling nun? Sino? Hindi, sino nga? Yung pro. Sabi ko na, sinumang pro or anti VP Sara hindi namin papakinggan,” paniniyak ni Escudero.

Kinuwestyon din nito ang pagmamadali na ginagawa ng mga nagsusulong ng impeachment laban kay Duterte samantalang may ilang opisyal na rin na na-impeach na isinalang sa impeachment trial ngunit hindi minadali ang Senado para mag-convene ng impeachment court.

“Bakit ko iibahin ang pagtrato dito sa impeachment complaint na ito? Hindi ito espesyal. Hindi ito kakaiba. Ang tingin dapat namin dito ordinaryong impeachment complaint lamang laban sa isang impeachable officer,” anya pa.