NANINIWALA si Senador Raffy Tulfo na dapat gawing legal na lamang ang pagpasok ng mga ukay-ukay o mga second-hand na damit sa bansa dahil hindi ito kayang kontrolin ng Bureau of Customs.
Sa pagdinig ng Senate committee on ways and means, iminungkahi ni Tulfo na isalegal na ang bentahan ng ukay-ukay at buwisan ito kaysa i-ban ang pagpasok ng mga second hand na damit na mabenta sa maraming Pilipino.
“Siguro, since hindi po kayang control-in ng Bureau of Customs ‘yung pagpasok ng ukay-ukay, siguro we have to come up with a system na, I don’t know, legalize ukay-ukay,” ani Tulfo.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 4653, ipinagbabawal ang commercial importation ng mga second na damit at basahan para sa kaligtasan ng publiko para mamintina rin ang dignidad ng bansa, dahilan para maipuslit ang mga sinasabing “ukay-ukay” at hindi nabubuwisan.
“Kung hindi niyo na po kaya talagang pigilan, kausapin niyo po siguro ‘yung mga mambabatas na para baguhin ‘yung batas natin, ‘yung policy to make the ukay-ukay legal na pwede na pong pumasok ng bansa at magbayad po ng tamang buwis,” dagdag pa ni Tulfo.